At sa mga ganitong klaseng panahon nagiging buhay na buhay ang aming community.
Doon sa isang sulok nagkukumpulan ang mga nanay at mga dalaga (na hindi magtatagal e magiging mga nanay na rin), pinagtsi-tsismisan yung isang kumare na absent sa session dahil maagang umuwi si mister, nagpe-pedicure at manicure, nagaahitan ng kilay at nagkukutuhan habang nagbabantay sa mga anak na nagsasapukan at nagsasabunutan at nagtatalo kung sino ang bida at kung sino ang kontrabida. Pinaguusapan ang kani-kanilang mga asawa (at boyfriends) pati na rin yung mga gusto nilang ipalit sa kani-kanilang current partners.
Nandiyan din yung mga nagma-maximize sa napakagandang panahon. Kusot dito, kusot doon. Piga diyan, piga dine. Halos magsabunutan sa pakikipagunahan sa perfect spot na sampayan. Kulang na lang e maghampasan ng hangers para mapagwagian ang most ideal place to dry their clothes.
Nariyan din ang mga tatay na hindi papatalo sa mga nanay. Kung ang mga nanay e busy sa pagpapaganda, ang mga itay naman ay busy sa pagtataob ng ilang bote ng gin, brandy o beer. Oo, sila yung mga tatay na walang silbi sa bahay. Pinaguusapan naman nila kung sino sa mga nanay na nagpapaganda ang kanilang na-iskoran maliban sa sariling asawa na siyang nasa trabaho para maghanap ng ipapakain sa pamilya.
Siyempre hindi papahuli ang mga anak. Makikita naman silang nakikipaglandian. Si nene na ka-holding hands ang anak ng kumare ni inay. Nandiyan din si boy na nakikipagharutan kay ate ni nene na nakikipaglandian. Sa isang sulok naman ay si another boy na may hidden desire kay boy na may kalandiang ate. Nandiyan din ang mga boys na pinaguusapan si nene. Meron ding mga boys na nagre-rehearse ng sayaw at nag-iisip kung paano magandang i-present ang Diva ni Beyonce.
Ang mga lolo't lola naman e makikitang nakaupo sa harap ng bahay. Yung iba e busy sa pagrorolyo ng tabako, paghimas sa mga manok, pagwawalis ng bakuran, o pagpi-PSP o DS. Yung iba namang matatanda e nagkukumpulan din para magpayabangan kung gaano na karami ang dinaramdam na sakit - kung gaano karami na ang joints na pinupuntirya ng arthritis o kung gaano kadalas silang dalhin sa ospital.
Meron din namang mga nauupo na lang sa tapat ng bahay, nagmumuni-muni. Eto naman yung mga tao na gustong palitan sa pedestal sina Aristotle at Plato. Parang bumubuo ng mga teorya na pwedeng maging sagot kung bakit naghihirap ang bansa.
Hay. At isa pang hay. (wala lang. Masarap lang magbuntong-hininga.)
Parang walang problema ang mundo no? Parang normal lang ang lahat? Sana ganito palagi. Walang iniisip na kung ano, hindi nagwo-worry kung iboboto ba si Noynoy sa susunod na eleksiyon o kung may kakainin na ba mamayang hapunan o kung ano kayang mangyayari sa Dahil May Isang Ikaw mamaya o kung ano na naman kayang himala ang gagawin ni Santino o kung sino na ang susunod na kalaban ni Darna o kung saan na naman kakain si GMA sa susunod niyang paglabas ng bansa o kung ano kayang sinusuot ni Obama kapag natutulog o kung kailan matatapos ang gyera sa Mindanano at higit sa lahat kung dapat bang i-boykot si Kanye West dahi lsa ginawa niya kay Taylor Swift?
O buhay.
baklahh. nakakarelate ako ng bongga.
ReplyDeletehere's to living for the moment. lablab.