Kaya kanina paggising ko, medyo na-shock ako. Aba, aba, aba. Sinalubong ako ng halakhak ng mga batang nagtatakbuhan. Hinarana ako ng mga ibong nagaawitan. Niyakap ako ng malumanay na ihip ng hangin. At hinalikan ako ng mainit na sinag ng araw. (Pero siyempre, ni-romanticize ko lang ang lahat. Hello? Sa lugar naming ito? Kamusta naman ang mga batang humahalakhak habang nagtatakbuhan? Oo, merong mga bata pero nagmumurahan habang nagtatakbuhan kasi yung isang bata e may hawak na malaking bato. Tapos imbis na ibong nagaawitan, yung mga inumaga lang pala yun sa bidyokehan. Yun talaga ang sumalubong sa akin.)
Pero kahit ano pa yang sumalubong sa akin, kahit asong ulol na kumakanta pa yan ng "Here Comes the Sun" kebs na lang, kasi I love summer! Ay wait, hindi pala summer. Ulit. I love sunshine (lalo na sa panahong ilang araw akong na-repress sa init ng araw).
Bakit nga ba gusto ko ng sunshine?
1. Masarap maglaba (or rather, mag-palaba) kapag bongga ang sunshine. Aminin yan. Kasi di'ba hindi fresh ang amoy ng damit kapag hindi naarawan? True yan. Kahit timba-timbang fabric conditioner ang gamitin sa pagbabanlaw, mangangamoy nakulob na pawis pa rin ang damit kapag hindi nasikatan ng araw. Kaya salamat sunshine, magiging fresh na naman ang sinampay ni inay. Tiyaka isa pa, hindi na kailangang mag-recycle ng damit. Madali nang magpatuyo kaya hindi na problema ang susunod na outfit.
2. Masarap rumampa ng walang ulan. Kailangan pa bang ulit-ulitin na walang future ang sangkaadahan kapag umuulan. Parang mga bubuyog lang, walang pollen na maha-harvest kapag umuulan. O sige nga, nasaan ang mga prospect kapag umuulan? For sure e nagbabayambang ang mga yan sa kani-kanilang mga lungga. E nagmukha lang akong tanga sa labas ng bahay, nakapayong, naglalakad-lakad. Imaginin niyo nga. O di'ba, kapag maaraw, lahat nasa labas. Pwedeng-pwede na ang bird hunting.
3. I love yayas. May kakaiba sa kanila na ikinatutuwa ko. At dahil diyan, masaya ako kapag maaraw kasi for sure masaya din ang mga yaya. Kasi kapag maaraw, may rason para ilabas nila ang kanilang mga alaga. May rason din para makita nila si manong hardinero nila Mrs. Mekekekpwek. Nage-enjoy ako kapag may naguumpukang mga yaya na akala mo e kinikiliti kung saan man kung makahagalpak kapag dumadaan si manong driver o kaya manong hardinero ng kapitbahay).
4. Nakakatuwa ring panoorin yung mga batang naglalaro sa labas ng bahay. Enjoy na enjoy ako lalo na kapag may nagsasapakan na. Yung may nagsasaksakan na ng stick, naghahampasan ng toy trucks, nagbabatuhan ng holen, yung mga ganun. Yung sa una e enjoy na enjoy sila, tipong ganito:
Boy 1: Sige kunyari ikaw si Superman tapos ako si Spiderman.
Boy 2: Sige, sige.
Boy 1: Tapos matatamaan ka daw ng go web ko. Tapos hindi ka na makakagalaw.
Boy 2: Pero mapuputol ko raw yung go web mo.
Boy 1: Hindi pwede. Ako dapat mananalo.
Boy 2: E mas malakas si Superman di'ba?
Boy 1: Hindi, ako yung mas malakas.
Boy 2: Hindi, ako dapat.
*and so on, hanggang sa dadampot ng bato si Spiderman tapos ipupukol kay Superman. Ang susunod na mangyayari e magsusuguran yung mga nanay, tapos magsasabunutan. Tapos yung mga tatay nagiinuman lang sa kanto, kumakanta ng My Way.
O, sino ba namang hindi mage-enjoy niyan?
No comments:
Post a Comment
Napa-echos ka ba? Anong mae-echos mo?