Sa sobrang pagwawalwal ko yata e naghiganti na ang mga diyos at diyosa. Mukhang ito na yata ang parusa sa sukdulang ka-dekadentehan. Ha. O ano? Alak pa? O ano? Yosi pa? O ano? Party pa? O ano ka ngayon? Baklang baldado at baklang kandado!
Sa bagay, paminsan-minsan, masarap din namang mabaldado sa kwarto. Masarap namang paminsan-minsan e ma-magnet ng kutson ang likuran ko. Masarap naman paminsan-minsan na tumingala lang sa kisameng blanko. Masarap namang makipaglampungan sa mga unan at hanging maharot. Masarap naman minsan na panoorin lang ang paglalakbay ng alikabok at langgam. Masarap barilin ng sipat ang nagliliparang langaw at lamok. Masarap namang makinig lang sa nagbabagsakang anino. Masarap namang amuyin ang umaalingasaw na katamaran. Masarap namang pumikit at panoorin ang luningning ng kadiliman. Masarap namang magpahaplos sa lamig ng semeto at gaspang ng asero. Masarap naman minsan na nasa isip lang lahat ng kilos at galaw. Masarap minsan na walang iniisip. Masarap minsan na walang galawan. Masarap minsan ang wala.
O eto nga ako ngayon, sa kwarto, nagmumukmok. Kahapon, maligalig. Ngayon, bliss ang kawalan.
No comments:
Post a Comment
Napa-echos ka ba? Anong mae-echos mo?